butsikik's nest

simple thoughts

Blog Entry(ex) insomiacMar 3, '08 4:03 AM
for everyone
ang bawat tao'y may angking kasarinlan,
mag isang iniluwal sa sangkaliwanagan;
mag isang responsable sa buhay na tangan,
mag isa ring papanaw tungo sa karimlan.
 
ngunit bawat tanong ay mayroong sagot,
mga karamdaman na may lunas at gamot;
may aliw at sigla sa mga nababagot,
may kapayapaang bukas ang mga sigalot.
 
pag ako ay may sakit, ikaw ang nakaratay,
pag tanggap ko ng haplit, sa 'yo lumalatay;
pag ako ay malungkot ikaw ang nalulumbay,
pag buhay ko'y napatid, ikaw ang namamatay.
 
sa bawat hikbi ko'y ikaw ang lumuluha,
sa pagkahulog ko'y ikaw ang natutumba.
pag ako'y nagkamali, inaako mo ang sala,
dapat na paghihirap ko'y ikaw ang nagdurusa.
 
kapag masaya ka'y akin ang kaligayahan,
kapag nagtagumpay akin ang karangalan;
mga pagsisikap mo'y sa akin ang pakinabang,
ako ang nag aani ng tinanim mong puhunan.
 
sa aking palagay wala ng tatamis,
sa isang samahang salamin ang kawangis;
magkatugma sa tuwinang anino ang kaparis,
SA AKING PAGTULOG, MATA MO ANG NAKAPIKIT!

Blog Entryang saya ng buhay!Feb 15, '08 7:06 PM
for everyone
buhay ng tao'y ano ba ang sukdulan?
bawat landas na tahaki'y ano ang patutunguhan?
lahat ng paglalakbay, ano ba ang hangganan?
'di ba't matatapos ang lahat sa kamatayan?
 
matatalim na kidlat, liwanag sa aking mata;
dumadagundong na kulog ay malamyos na musika.
nagngangalit na apoy, hatid sa akin ay sigla;
malakas na lindol, ugoy ng duyan ang dala.
 
katuyutan ang alindog ng isang disyerto,
ang sa dagat ay alon na nag aalimpuyo;
nakaaaliw masdan ang rumaragasang bagyo,
paglinis ng sangkatauhan layunin ng delubyo.
 
may kikinang pa ba sa dilim ng gabi?
may tatamis pa ba sa luha at hikbi?
may sasarap pa bang damdamin ang hapdi?
may sasaya pa ba sa pagkaduhagi?

Blog Entrynabasa ko langFeb 3, '08 2:02 AM
for everyone
No one falls in love by choice, it is by CHANCE.
No one stays in love by chance, it is by WORK.
And no one falls out of love by chance, it is by CHOICE


Blog EntrySacrificesJul 12, '07 11:50 PM
for everyone
Entry: sacrifices Friday, September 10, 2004

another extremely hot day;
glowing bright sun on the month of May,
but still outdoors i have to stay,
just to ensure that you're fine and okay!

drenched on the hard falling rain;
the whips of the wind i have to contain;
whatever passed by---flood, storm, hurricane,
just to serve you, i'll bear the pain!

spit upon by a child wanderer;
burnt by a chain smoker;
oftenly kicked by a heavy drinker,
i will stay here to serve you better!

all of those things that you called rotten,
i have learned to accept to ease you of the burden,
you give me all troubles, all pains, all problems;
to prove my worth, i'll do anything.......
#


oh i almost forgot, 'am your trash can.......

 

re-post     (posted in http://butsikik.blogdrive.com/)


Blog Entrypuso o isip (balagtasan)Jul 12, '07 11:45 PM
for everyone
Sunday, August 01, 2004
balagtasan

butsikik: langit na mataas ako sana'y tulungan,
              huwag mapahiya sa babasang tanan;
              ang sinusulat ko ngayon isang balagtasan,
              malaking usapin ng puso at isipan.

               magtatagisan ng kani-kanilang galing
               at maghahain ng bawat hinaing
               sa pagmamahal ba'y anong dapat pairalin,
               ang matalinong utak?, o pusong madamdamin?

               ang unang maglalahad ay si katotong isip
               upang ating malaman kaniyang nililirip........

isip        : wala akong nakikitang dapat pang pagtalunan
                dahil ang ulo'y nasa tuktok ng katawan;
                kaya't ang utos nya ang dapat na sundan
                upang pag nagmahal ay hindi masaktan.

butsikik :  may katwiran kaagad itong si utak
                at ang ating paksa'y diretsong tinahak
                 sunod na tunghayan sa ating pitak
                 ang sagot ni pusong pag umibig ay tapat!

puso      : kaibigang isip 'di mo ba naalala
                sa desisyon ng katawan ikaw man ang manibela
                ngunit sa pag-ibig, pag-irog, pag-sinta
                ang puso ang buhay, siya ang makina!

isip        : o puso, o puso, masasaktan ka lang
                pag ikaw ang pinairal sa pagmamahalan
                isip pangunahin, supilin ang damdamin
                upang pag nagmahal ay hindi magupiling

puso      : sa reyalidad ng buhay kasama ang sakit,
               kaya nga't may luhang biyaya ng langit
               masasabi mo bang tsokolate'y matamis,
               kundi mo pa natikman ang apdong mapait?

butsikik :  magaling, magaling ang inyong katwiran
               ngunit lakandiwa'y lalo lang nasasaktan
                pagkat isip at puso'y nasa isang katawan
                kayat sa palagay ko'y dapat na magbigayan

                ang hatol ni butsikik pag ikaw ay nagmahal
                 lagyan ng utak ang pusong umiiral
                 at upang pag-ibig tumatag, tumibay
                 lagyan mo ng puso ang utak na napapagal!

                 sa madaling salita ang hatol sa balagtasan
                 isipin mong lahat ang iyong nararamdaman,
                 at damhin mong lahat ang nasa isipan,
                 alisin ang takot, magtiwala, magmahal...............!
 
 
re-post (posted in http://butsikik.blogdrive.com/)
 

Blog EntryBuhay ng BalintunaJul 12, '07 11:43 PM
for everyone
Wednesday, July 28, 2004
buhay ng balintuna

just passed my thoughts; and i don't want to let it slipped away......

walang pamagat

rumaragasa ang hanging habagat;
pinunit ang dilim ng matalim na kidlat;
dagundong ng kulog biglang sumambulat,
kayat puso'y nagdiriwang sa tuwa at galak!

patuloy sa pagbuhos ang malakas na ulan;
nag-uumigpaw ang baha sa buong kapatagan;
at ang bawat sulok kinubkob ng karimlan,
dulot ay luwalhating walang katapusan!

nayanig ang lupa sa pagdaan ng lindol;
bunga ng bulkang walang tigil sa pag-ungol;
lagim sa wari ay 'di mapuputol,
isang malaking tagumpay, kaligayahang walang gatol!

ngunit malapit na ang bukang-liwayway;
mababanaag na ang pag-asa ng araw;
patapos na ang sigwa, bahag-hari ay lilitaw,
kamatayan ang hatid sa unos ng buhay!

---butsikik---
 
this is a re-post (posted in http://butsikik.blogdrive.com/)

Blog EntryliwanagApr 20, '07 1:30 AM
for everyone

madalas na sagisag panlaban sa dilim,

tanglaw na ilaw sa binyag, sa kasal, sa libing,

dekorasyon sa altar, sa patio, sa hardin,

iba't ibang kulay, laki, hugis at dating.

 

bagama't anuman ang haba at ganda,

walang silbi ito habang buo pa sya,

magigigng makabuluhan lamang at magiging dakila

kung sarili'y iaaalay at mauupos na.

 

ang buhay ng tao ay parang kandila,

apoy ang nagmomolde, pagsubok ang naghahasa;

matunaw man o maubos, may maiiwang tanda,

liwanag na naibahagi'y sa sariling buhay nagmula!


Blog EntryfundadorApr 19, '07 8:21 AM
for everyone

aliw ka ng tao sa tagumpay at kasiyahan,

ngunit ika'y panglunod din ng pighati't kabiguan.

tulong sa paglimot ng mga kalungkutan,

pampasigla ng damdaming nagaagam-agam.

 

lambanog, tuba, sakau, basi at sake,

serbesa, gin, mompo at sadique,

rhum, red wine, white wine, bourbon at whiskey,

vodka, tequila, cognac, champagne at brandy.

 

ang buhay ng tao ay parang isang alak

habang tumatagal, lalong sumasarap;

kapag tama sa timpla ay nakakaaliw,

pag sumobra't nalasing ay nakakabaliw!

 


Blog EntrypolarisApr 17, '07 12:34 AM
for everyone

isip ko ay naglalakbay sa kalawakan;

may kometa, may planeta, may bulalakaw, may buwan.

ngunit lubos akong naakit ng kaniyang kagandahan,

bituing marilag aking tinitigan.

 

ang mga bitui'y may sariling liwanag,

na paalala sa tao'y kalakasan at tatag,

malayo mang abutin, may tanaw na sinag

dulot ay pag-asa sa bawat pusong hungkag.

 

ang buhay ng tao ay parang isang bituin,

pag may lambong na ulap ay lumalabo, dumidilim;

ngunit pagkatapos ng unos ay kumikinang, nagniningning

ilaw ng tagumpay, tanglaw ng pag-ibig!


Blog EntrybaygonApr 16, '07 1:12 AM
for everyone

sa pagmamasid ko sa aking kapaligiran,

maraming kulisap aking napagmasdan.

kung sipag at pagkakaisa ugali ng mga langgam,

mga putakte'y larawan ng tatag at tapang.

 

tahanan ng langaw basurang nakasusulasok,

madilim na kanal, tirahan ng lamok;

samantalang ang matiyaga, masikap na uod

nagiging paru-parong maganda't kalugod-lugod.

 

ang buhay ng tao ay parang isang insekto;

ilaw at liwanag ang basehan nito.

nasusunog sa init ang palalong gamu-gamo,

pakumbabang alitaptap, dagitab ng mundo!

 

 

 

 


Blog EntrygoodyearApr 15, '07 8:04 AM
for everyone

maraming bahagi ang isang sasakyan;

upang gumalaw, tumakbo, umandar sa daan.

bawat parte nito'y may kahalagahan

para makarating ng maayos sa patutunguhan.

 

gulong ay nakasayad sa lupa, semento o bakal;

pagpapakumbaba ang dulot niyang aral.

bigat ng sasakyan sa kanya nakasalalay,

pagiging responsable ang payo nyang taglay.

 

ang buhay ng tao ay parang isang gulong,

kailangang umikot para makasulong.

pag nasa ilalim ka'y magsikap umahon,

pag nasa ibabaw nama'y magpursiging makatulong!


Blog EntrymongolApr 14, '07 8:15 PM
for everyone

malinis na papel aking nadumihan,

upang maisiwalat ang laman ng isipan.

maaaring tula, kwento o larawan,

ang magbibigay buhay ay ang lapis na tangan.

 

lapis ay sinusugatan para mapatulis ang dulo,

sinasakal ng daliri, idinidiin sa puwesto;

pagsubok sa buhay bigay na aral nito,

na kailangang tasahan para mapanuto.

 

ang buhay ng tao ay parang isang lapis,

may kasamang pambura sa dulo ng kabilang panig;

hindi tayo perpekto, may kahinaang tambis,

ngunit naiitama ng dakilang pag-ibig!


Blog EntrysangandaanApr 14, '07 8:09 PM
for everyone

mga hugis ng bagay ay may aral na dala,

kagaya ng krus na madalas makita;

kapag ika'y naglalakbay, may kanto ang kalsada;

at sa katawan ng tao pag ikaw ay nakadipa.

 

sa krus na kalsada'y kalayaan ang bigay,

sarili mong desisyon ang magiging gabay;

sa pakikisalamuha, sa pagtahak ng buhay,

isang landas ay kabiguan, sa kabila ay tagumpay.

 

ang buhay ng tao ay parang isang krus.

palaging may hapis, may pagsubok, may unos;

kapag nalampasa'y may tuwa pagkatapos,

at paglasap ng tagumpay ay luwalhating lubos!


Blog EntryponapeSep 26, '06 8:03 AM
for everyone

matibay ang tindig, matikas ang tayo

ulap ay abot-kamay ng iyong pagsuyo;

tahanang payapa ng hayop, ibon at puno,

inspirasyon ka ng matatag kong puso.

 

 

ang liwanag mong taglay ay hiram sa araw,

katulad ng buhay kong habilin ng Maykapal;

pagpapakumbaba ang hatid mong aral,

at kapayapaang sagot sa aking dasal.

 

 

sa lalim ng karimlan, ikaw ay nagniningning,

nagsisilbing tanglaw sa gitna ng dilim;

matayog na pangarap, mukha mo ay abutin,

aliw ang dulot mo sa siphayong damdamin.

 

 

himig ng agos mo'y malamyos na awit

dantay ng katawa'y kapayapaan ang hatid;

patuloy na pagdaloy, pag-asang walang patid,

sagot sa pagsubok at pasanin naring dibdib.

 

 

rumaragasang alon doon sa batuhan,

ang kapara ay sigla at lakas ng katawan;

halik ng agos mo sa dalampasigan,

paalala sa aki'y matamis na ulayawan.

 

 

salamat, salamat mga kaibigan,

sa tatag mo bundok, sa liwanag mo buwan,

sa kislap ng bituin sa kalawakan,

at sa inspirasyong dulot ng talon at karagatan.

 


Blog Entrybutsikik's daySep 24, '06 7:35 AM
for everyone

woke up. call. exit. drive.

travel. buy. rainbow. arrive.

beach. ocean. swim. dive.

friends. sounds. cards. alive.

 

 

mountains. road. four by four.

bathroom. clothes. eat. third floor.

chat. computer. office. store.

tv. radio. text. miss. bore.

 

 

moon. star. night. deep.

pen. paper. keyboard. clip.

airport. trash. baggage. lift.

room. enter. call. sleep.


Blog EntrylikhaSep 23, '06 8:59 PM
for everyone

komedya o trahedya, madamdaming mga kataga,

may aliw-iw, may ritmo, may sukat, may tugma;

isang pisngi ng sining, sinulat ng makata,

bukal ng inspirasyon, ang tawag ay isang tula.

 

 

mga himig ng notang may tamis, may pait

lirikong maalindog sa puso ko'y umaakit;

akda ng musikero, sa tagumpay niya't sakit,

ang nabuong obra'y makapangyarihang awit.

 

 

pugad sa mga ibon, sa kabayo ay kural,

tanggulan at moog ng mga sundalo at kawal,

mga gusaling pinagyaman ng karpinterong panday,

silungan, tirahan, tahanan, bahay.

 

 

ginupit, ginatgat, tinabas ang tela,

upang maiangkop sa yari, sukat at moda;

pinagyaman ng sastre sa kaniyang makina,

saplot ng katawan, magarang damit ang bunga.

 

 

ang lahat ng bagay ay sa D'yos nagmula,

ngunit inaasahan Nyang tao ang magpapala;

katulad ng isang punong, Siya man ang may likha,

ang tao ang kailangang mag-aruga, mag-alaga.

 

 

nagmula man ito sa sulyap o titig,

sa alindog man ng tula, o sa awiting himig;

tinanim ng Maykapal, tao ang nagdilig,

umusbong na ani'y wagas na pag-ibig.

 

 


© 2008 Multiply, Inc.    About · Blog · Terms · Privacy · Corp Info · Contact Us · Help
Template design Copyright © 2005 Jeff Miller